Powered By Blogger

Sunday, January 31, 2010

Tao Ba Ako Inay?


Sayang. Siguro doktor na sana ako ngayon.

Kung hindi lang talaga maraming hadlang, marami na sana akong nakuha ngayon. Sa totoo lang, mas marami pa ang sa akin ay ipinagkait kesa sa aking nakamit.

Maraming “sana” ang sa aking isipan ay nabuo, mga “sanang” kailanma’y hindi ko na makakamtan, mga “sanang” ipinagkait sa akin ng aking mahal na ina.

Hindi ko ba alam kung bakit nya ako ginanito? Ano nga bang kasalanan ko para ipagdamot sakin ang ipasilip man lang sa akin ang kalikasan? Mapanuod ang unti-unting paglitaw ng bahaghari pagkatapos ng ulan? Ang pagsilay ng haring araw sa umaga, doon sa may likod ng kabundukan? At ang paglubog na rin nito na nagsisilbing simbolo para sa isang magandang bukas? Ni hindi ko man lang nasilayan ang mga labi ni Angelina Jolie. Malay ko nga ba kung pouty talaga ang lips nya? Gusto ko rin namang manuod ng Avatar ah!

Anu nga bang ginawa kong masama para ipagkait sakin ang malanghap ang sariwang hangin? Ang makapagtampisaw sa malinis na batis? Ang makinig sa huni ng mga ibon? Sa boses ni Asia’s Songbird, ni Taylor Swift. Baka nga nahumaling pa ako kay Lady Gaga ngayon.

Pero hindi naman ako galit inay.

Sabi nila inay, masarap raw ang chocolates, cakes at ice cream. Ayaw ko naman maniwala. Wala naman siguro akong karapatang matikman yun eh. Pero kung merun man, wala naman akong dila inay.

Tsaka alam mo inay, naranasan mo bang magfriendster? Eh multiply? At facebook? Nakakaadik raw ang mga yun. Mas nakakaadik pa sa droga. Gusto ko ring maranasan yun inay. Pero paano? Next time, turuan mo ako ha?

Ay nga pala inay, hindi ko pa rin pala nakikita ang itsura ko ngayon. Pangit ba ako? Balita ko, may Adobe na raw ngayon ah. Kung hindi kaayaaya ang itsura ko, papiktyur na lang ako. Ipa-adobe mo. Hehehe.

Inay, kelan nga po pala ang birthday ko? Meron po ba ako non? Lagi po kasi akong nakakarinig ng nagbabatian ng ganun. Para po kasing nakakaexcite eh. Tsaka, anu po pala kasarian ko inay? Hindi mo naman sakin nasabi eh.

Huli na pala to inay. Pati pala pangalan ko ay hindi nyo naibigay. Nalimutan nyo ata. Kaya nung tanungin ako ni San Pedro, wala akong naisagot. Pero, okay lang yun inay. Sabi ko sa kanya, sabay ka na lang naming iintayin sa kabilang buhay. Natatawa ako inay. At naiiyak. Kasi hindi ko alam kung bakit mo nagawa sakin to inay, kung paanong nagawa mo sa akin ito? Isang dugo lamang ba ako para sayo? Bakit? Hindi ba ako tao inay?

Sayang inay. Kung hindi mo lang sana ipinagkait sa akin ang aking pagkatao at buhay. :(

No comments:

Post a Comment