10:25 p.m. Napaaga pa pala ako ng five minutes sa tagpuan natin. Five minutes na lang at darating ka na Erika. Siguro sa ngayon, ito na ang pinakamasaya at pinaka-exciting na gagawin ko. Mas pinili mo kasi na makasama ako kesa sa iba. I never expected na darating tayo sa puntong ito ng mga buhay natin. Siguro risky. Pero kakayanin ko. For you Erika. I love you. I really love you very much.
10:27 p.m. Da;awang minuto na ang nakakalipas. Tatlong minuto na lang at makakasama na kita. Ok nga pala ang oras ng usapan natin. Wala ng masyadong tao sa paligid. Madilim pa. Kung may tao man, hindi na siguro tayo makikilala pa. Mahal na mahal talaga kita. Alam kong mahal mo rin ako. Kasi, sa kabila ng kahirapan ko sa buhay, mas pinili mo pa ring makasama ako. Sayang. Kung mas expressive lang siguro ako,mas mararamdaman mo sana na mahal talaga kita.
10:29 p.m. Isang minuto na lang at darating ka na Erika. Makikita na ulet kita. Isang pamilyar na tunog ng sasakyan ang aking naulinigan. Hindi ako maaaring magkamali. Alam kong ikaw na nga yan, Erika. Isang uri ng kasiyahan ang aking naramdaman. Pero, mabilis lang. Napalitan ito ng pagtataka.
10:30 p.m. Tuluyan nang tumigil ang sasakyan sa harapan ko at iniluwal ka nito. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin nito. Wala kang dalang gamit. Pero bakit? Kasunod mong bumaba ang dalawang bodyguards mo. Hindi ka naman siguro tanga Erika para magpaalam sa parents mo na magtatanan tayo. Para magdala pa ng bodyguards sa kasalanang gagawin natin.
10:33 p.m. Niyakap mo ako. “I love you, Ayan.” Binulong mo sakin, Erika. Gusto kitang yakapin. At tumugon sa ibinulong mo. Pero para akong tuod na niyakap mo, santong walang pakialam. Walang galaw. Walang emosyon. Pero napansin ko na tumutulo ang mga luha sa mukha ko. Bumitaw ka mula sa pagkakayakap. “I am sorry. Hindi tayo matutuloy. Nahuli ako nina Daddy at Mommy. Wala akong magawa. Pero mahal kita. Mahal na mahal. At alam kong alam mo yun, Ayan.” Tuluyan na ring tumulo ang kanina pang namumuong luha sa mga mata mo.
Gusto kong pahirin ang mga luha mo. Nasasaktan ako kapag nakikita kitang umiiyak. Pero tulad kanina, wala pa rin akong ginawa. Tuluyan ka nang dumistansya sakin. Lumapit ang isang bodyguard mo sa’yo at pinilit ka nyang papasukin muli sa kotse. Samantalang yung isang bodyguard naman eh naglakad papunta sa direksyon ko. Pagkalapit nya sakin, inundayan nya ako ng suntok sa mukha. Ramdam na ramdam ko ang sakit. Feeling ko na-deform ang mukha ko dahil sa kanya. Pero hindi kayang talunin ng pisikal ang emosyonal na sakit ko. Hinayaan ko na lang ang guard sa gusto nyang gawin sakin. Basta ang mata ko ay nasa iyo lamang, Erika. Isa pang suntok at nawalan na ako ng balanse at tuluyang bumagsak sa lupa. Pinabayaan ko na lang ang bodyguard sa kung anong gusto nyang gawin sakin. Kita pa rin kita Erika. Umiiyak ka pa rin. Yun lang. Yun lang ang ginawa mo. Ni hindi ka man lang nagpumiglas at pumilit na tumakas o lapitan ako.
Isa pang suntok sa sikmura. Sipa sa mukha. Kaladkad dito. Hila roon. Hanggang sa nagsawa rin ang hayop. Dumiretso sa kotse at tuluyang nang umalis kasama ka, Erika.
Naiwan akong nag-iisa sa kadiliman.
Wala na talaga akong ginawa. Nahiga lang. Wala na akong lakas para bumangon. Bakit pa? Para saan pa? Para kanino? Wala ng dahilan pa para mabuhay. Wala ng Erika. Kung mamamatay ako ngayon, ikatutuwa ko mpa.
Sayang Erika. Akala ko, mahal mo talaga ako.
Ipaglalaban ko sana ang pag-ibig natin. Kahit kapalit ng buhay ko. Kaso, sa una pa lamang, sumuko ka na.
No comments:
Post a Comment