Powered By Blogger

Tuesday, February 16, 2010

Ina

Rinig na rinig ang panaghoy niya,

Ang mahinang ina sa kanyang kama.

Nanunuot ang sakit sa buo nyang katawan

Pawang hinagpis ang nararamdaman.

—-

Tila may hinahanap na hindi makita

Pangarap na ipinagkait sa kanya ng tadhana.

Pangarap na inasam sa loob ng ilang taon,

Pangarap na sa ngayon ay isang patapon.

—-

Inang nagtiis para sa kanyang anak,

Pagkatapos mapalaki, tuluyang iniwan.

Pakiramdam niya, siya ay itinulak

Sa malalim na bangin ng anak na haragan.

—-

Namumutawi sa mga mata ang kalungkutan

Sanhi ng hindi maipaliwanag na pang-iiwan

Ng mga anak na inaruga’t minahal,

Ng inang ang sarili ay halos di na makilala.

—-

Tuluyan ng iniwan ng ina ang mundong ibabaw,

Hindi na nahintay ang pagsikat ng haring araw

Hindi na nahintay ang pagbabalik ng anak

Di man lang naramdaman ang sigla at galak.

—-

Nakalulungkot isipin ang nangyari sa ina,

Na nagpalaki at nagpakain sa anak na walang kwenta

Buhay ay isinakripisyo, mapagtapos lang siya.

Kay pait ng tadhana, pinaasa lamang siya.

No comments:

Post a Comment