Powered By Blogger

Monday, February 8, 2010

Love Amidst a Trial

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung paanong nabago ng isang lindol ang pagtingin ko sa buhay, pag-ibig at kamatayan.

Ako si Marco Gonzales, 37, may asawa. Weeks ago, OFW pa ako. Pero ngayon, hindi ko alam kung isang bagong bayani pa rin akong maitututring. Kasulukuyan pa rin naman akong nasa Haiti.

Nilisan ko ang aking disente at magandang trabaho dahil na rin sa kagimbal-gimbal na lindol na yumanig hindi lang sa bansang ito kundi pati na rin sa ibang lugar sa mundo. Isang lindol na kumitil sa libo-libong mga inosenteng bata, isang pangyayaring tuluyan nang pumutol sa maiksing buhay na nalalabi sa mga maraming matatanda. Isang sakuna na nagkait ng magandang pangarap sa nakararaming middle-aged na tulad ko na patuloy na kumakayod-marino para mabuhay ang sarili at ang minamahal na pamilya. Isang hindi inaasahang kaganapang naghiwalay sa mga magkasintahang tunay na nagmamahalan.

Isa ako sa hindi na mabilang na naapektuhan ng lindol na rumagasa sa malaking bahagi ng Haiti. Noong kasagsagan ng lindol, hindi ko alam kung paano ko maililigtas ang sarili ko. Prinoblema ko rin ang magiging kaligtasan ng mga tao sa loob ng apartment na tinutuluyan ko. Narinig ko ang mga sigaw ng mga batang sobra ang takot sa pangyayari, ang ungol ng mga ina na waring si Sisa na hindi magkandaugaga sa paghahanap sa mga nawawalang anak.

Nakita ko sa mga taong ito ang mag-ina ko. Ang isang taong gulang kong anak na sa larawan ko pa lang nasisilayan. Ang aking asawa, ang aking Elena na tanging pinakamamahal ko. Tulad ng mga bata sa apartment, takot rin ako. Pinilit kong labanan to. Kinailangan kong tatagan ang loob ko para sa maisalba ang mga bata at babae sa apartment.

Sa tulong na rin ng pananalig sa Maykapal, nagawa ko. Nagtagumpay ako. Nailigtas ko lahat ng bata at babae sa tinutuluyan bago tuluyang gumuho ito.

Akala ko ay wala ng problema. pero nagkamali ako. May nakalimutan ako. Ang matandang mag-asawa sa kabilang kwarto. Ang nagsilbing mga magulang ko sa Haiti. Sina Nanay Koring at Tatay Tomas. Galit na galit ako sa sarili ko. Alam ko na hindi ko na kakayanin pang patawarin ang sarili sa hindi pagsagip sa mag-asawa.

Ninais kong bumalik sa gumuhong gusali. Pero pinigilan nila ako. Wala na rin akong madaanan para makapasok pa.

Sa loob ng ilang araw, sa isang evacuation center kami tumuloy. Ilang araw na rin akong walang tulog, walang pahinga. Sa ikatlong araw sa evacuation center, sandaling iniwan ko iyon para bumalik sa gumuhong apartment. Pagdating ko ron, marami ng tao ang nagtutulong-tulong para bungkalin ang nasirang gusali. Tumulong na rin ako.

Pagkatanggal sa isang malaking tipak ng bato, nagulat ako sa nakita. Maraming pananaw ko sa buhay ang nabago, sa pag-ibig, sa kamatayan.

Siguro nga kahit kamatayan, hindi kayang paghiwalayin ang mga totoong namamahalan.

Tumambad sa aking harapan ang wala ng buhay na katawan ng mag-asawa. Magkasalikop ang mga kamay nila. may mga tuyong rosas sa pagitan nila.

Sa nakita ko, naisip ko na hindi rin pala masama ang mamatay. Basta alam mong minsan sa buhay mo, nagmahal ka. At minahal ka.

Teka, hanggang dito na lang muna ang kwento ko. Ilang minuto na lang at flight mode na. Pabalik sa Pilipinas, sa mga bisig ng aking minamahal. Desidido na akong harapin ang kamatayan basta kapiling lang sila..

Salamat kina Nanay at Tatay.

No comments:

Post a Comment