Powered By Blogger

Sunday, February 7, 2010

Ang Snow at si Lolo Amboy

Matagal nang pinapangarap ni Lola Tasing na makakita ng snow. Ang makapaglaro at makapglandi nito.

Ito na siguro ang pagkakataong pinakamimithi nya. Sigurado sya, matutupad na.

Unti-unti nyang binilot at ikinorteng bola ang malalambot na snow. Isa-isang inihagisni Lola Tasing ang mga nabuong bolang snow sa mga kapwa matatanda na kasama nya. Maya-maya nakipaglandian na rin ang mga ito sa kanya.

Para silang mga batang sabik sa paglalaro. Hindi mailarawan ng mga salita ang kasiyahang nararamdaman nila.

Bawat matanda ay may kanya-kanya nang hawak na bola ng nyebe. Bato rito. Bato roon. Wala silang pakialam sa ginagawa nilang pagkakalat.

“Tasing, saluhin mo ang bolang ito.” Narinig ni Lola Tasing na isinigaw ni Lolo Amboy ang mga katagang iyon. Subalit paglingon nya ay sa mukha sya natamaan. Ngayon lang nalaman ni Lola Tasing na may lasa pa lang hindi kaaya-aya ang nyebe.

Nilapitan sya ni Lolo Amboy para humingi ng tawad sa pagtama ng snow sa mukha nya. Naulinigan nya nilang dalawa ang tuksuhang hatid ng makukulit na sina Lola Saring, Lola Buding at Lolo Uring.

Tinawanan lamang nina Lola Tasing at Lolo Amboy ang asarang iyon. Nakita ni Lola Tasing ang pagkindat sa kanya ni Lolo Amboy. May hatid na kilig ang ginawang ito sa kanya ni Lolo Amboy.

Maya-maya ay may nagbukas ng pinto. Pumasok ang tatlong tao. Isang magandang babae at dalawang matitipunong lalaki. Nakakasilaw sa mata ang malilimis at mapuputi nilang kasuotan. Hindi sinasadyang natamaan ang tatlong ito ng nyebe na gawa ng mga matatanda.

Galit na galit ang tatlo, waring mga enkantado at enkantadang handang parusahan ang mga nagkasala sa kalikasan.

“Yuck. Ang baho.” Sigaw ng magandang babae. “Guard!! Guard!! Bilisan mo. Nagkakagulo na rito.”

Sandali lang at dumating na ang tinawag na gwardya. Ikinagulat ito nina lolo’t lola.

“Paghiwa-hiwalayin mo ang mga matatandang iyan. Papaliguan nyo at ang baho-baho o.” utos at komento pa ng magandang babae.

“Masusunod po, Doktora.” sagot ng bagong dating na gwardya.

“Huwaaaaaaaaaag. Huwag nyo kaming paghiwalayin. Hindi ko makakayanan na magkalayo kami.” sigaw ni Lola Tasing.

“Hindi kami makakapayag na paglayuin kami ni Tasing. Bitawan mo ako.” matigas na pananalita ni Lolo Amboy.

Ilang sandali pa at dumating pa ang ilang armadong kalalakihan at mga nakaputing babae.

“Tasiiiiiiiiing!!”

“Amboooooooooyy!!”

At tuluyan na silang pinaghiwa-hiwalay. Pinaliguan at pinakain.

Ibinalik na si Lola Tasing sa Kwarto nya sa Home for the Aged. Malinis na ang kwarto. Binalot sya ng kalungkutan. Wala na ang masangsang na amoy. Wala na ang kulay tsokolateng snow. Wala na si Lolo Amboy.

No comments:

Post a Comment